MANILA, Philippines — Inilunsad ni Quezon City District 1 Rep. Juan Carlo “Arjo” Atayde ang kauna-unahang ‘Aksyon Agad’ free dialysis center sa Brgy. Bahay Toro ng lungsod na naglalayong tulungan ang mga mahirap na residente na maysakit sa bato.
Sa paglulunsad ng programa kamakailan, sinabi ng reelectionist na si Atayde na ang sakit sa bato ay isa sa mga pangunahing problemang pangkalusugan sa bansa at nais niyang tulungan ang kaniyang mga kababayan sa unang distrito ng Quezon City.
Ipinaabot naman ni Atayde ang pasasalamat sa suporta ni Quezon City Mayor Joy Belmonte at iginiit na ang pagtutulungan sa pagitan ng lokal na pamahalaang lungsod at ng mga miyembro ng Kamara, dahil dito ay nagsilbi aniyang reyalidad ang nasabing dialysis center.
Base sa rekord ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ang sakit sa bato ay pang-pitong nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas kung saan humigit-kumulang 35,000 Pilipino ang sumasailalim sa dialysis kada taon, at patuloy pang tumataas ang bilang na ito.
Ayon kay Atayde dahil sa mataas na gastusin sa sakit sa bato ay marami sa maysakit nating kababayan ang nahihirapan na napipilitang mamili sa kalusugan at kanilang kabuhayan o sa buhay at hanapbuhay.
“Access to proper healthcare should not be a privilege for a few but a right for all. Hindi dapat para sa iilan, kundi para sa lahat. Here, we are offering not just treatment, but hope. Ang libreng dialysis ay malaking bagay para sa ating mga kababayang nangangailangan,” sabi pa ng solon na iginiit pang hindi magiging posible ang kaunaunahang AA Dialysis Center kung hindi sa tulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.