MANILA, Philippines — Mahigit sa kalahati ng mga pamilyang Pinoy ang ikinokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) mula Setyembre 14-23, lumitaw na 59% ng mga pamilyang Pinoy o aabot sa 16.3 milyon ang nagsabi na mahirap ang kanilang pamilya.
Bahagya itong mas mataas sa 58% SWS survey noong Hunyo, o nadagdagan ng nasa 300,000 pamilya mula sa dating 16 milyon.
Anang SWS, nakapagtala sila ng pinakamalaking pagtaas ng self-rated poverty sa Metro Manila.
Sa kabila naman ng naturang pagtaas, ang Metro Manila pa rin ang mayroong pinakamababang self-rated poverty rate na nasa 52%; Balance Luzon, 55%; Visayas, 62% at Mindanao, 67%.
Nasa 13% naman ang ikinokonsidera ang sarili bilang borderline poor habang 28% ang “not poor”.
Nakapagtala rin ng 9.1% pamilya na ‘newly poor’.
Ang mga self-rated food poverty naman sa mga pamilyang Pinoy ay nasa 46% noong Setyembre, na walang pagbabago noong Hunyo.
Ang naturang SWS survey ay nilahukan ng 1,500 adult respondents sa buong bansa, gamit ang face-to-face interviews.