MANILA, Philippines — Tangan ang malawak at mahabang karanasan sa sangay ng lehislatura, tinugon ni Valenzuela City 2nd Dist. Rep, Eric Martinez ang panibagong hamon na higit pang makapaglingkod sa pamamagitan ng pagsabak sa senatorial race kaugnay ng gaganaping Mayo 2025 midterm elections.
Ito’y kasunod ng paghahain noong Oktubre 8 ng Certificate of Candidacy (COC) sa Comelec ni Martinez sa hangaring masungkit ang senatorial seat.
Si Martinez, naging House Deputy Speaker at kasalukuyang Vice Chairperson ng House Appropriations Committee ay nagsilbi ng 32 taon sa legislative at public service na patunay ng kanyang sinseridad at karapat-dapat na maluklok sa nasabing posisyon.
Bago ang kanyang tatlong taong termino bilang Valenzuela City Congressman na nagsimula noong 2022, siya ay unang nanungkulan bilang Sangguniang Kabataan (SK) Kagawad sa Brgy. Marulas, mula 1992 hanggang 1996; na iginiit niya na isang legislative position.
Mula naman 1997 hanggang sa kasalukuyan, si Rep. Martinez ay nahalal sa iba’t-ibang legislative positions mula 1997 at kalaunan ay pagiging Kongresista mula 2016, kung saan siya ay naitalaga bilang Deputy Speaker ng Kamara mula 2020-2022. Si Martinez ay namuno rin sa House Committee on Youth and Sports at bilang kasalukuyang vice-chair ng Appropriations committee; siya ang nagdepensa sa proposed budget for fiscal year 2025 ng Department of Transportation (DOTr) sa kanilang plenary deliberations noong nakalipas na buwan.
Batid ni Martinez na ang sasalihang halalan ay mayroong mga sikat na aspirante o prominente ang pangalan, at siya bilang hindi gaanong kilalang public servant ay sasandig sa kanyang solidong credentials.
“Mahirap magpakilala sa buong Pilipinas with 70 million registered voters… (However) I would like to make it clear; I am a serious candidate running for the Senate of the Republic of the Philippines,” ani Martinez.
“It is a crowded race I know... Sikat, hindi ako sikat, but then I have the resume. Iyon lang ang maipagmamalaki ko sa inyo.
You compare my resume to other candidates; they don’t have the same resume as I have.
Thirty-two years of legislative work that started 1992 and will end in 2025 as a three-term congressman,” mariing lahad pa ni Martinez.