MANILA, Philippines — Inilatag ni Finance Sec. Ralph Recto sa mga miyembro ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) ang mga reporma sa bansa na masasabing “business-friendly” at naghayag din na magpapatuloy pa ang kanilang mga pag-uusap tungo sa lalong pagpapaganda ng mga polisiya ng pamahalaan.
Ang JFC ay isang koalisyon ng anim na major international business chambers sa Pilipinas, kabilang ang American, Australian-New Zealand, Canadian, European, Japanese, at Korean, at pati na ang Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters, Inc. (PAMURI).
Ang nasabing chambers ay may pinagsama-samang 2,000 kompanya kung saan may bilateral trade ito na nagkakahalaga ng 100 bilyong dolyar at nakapag-aambag ng 30 bilyong dolyar sa ekonomiya ng bansa.
Kabilang sa mga repormang itinampok ni Recto sa kanyang pulong kamakailan kasama ang JFC ay ang bagong naisabatas na Value-Added Tax (VAT) on Digital Services Act.
Layunin ng naturang bagong batas na magkaroon ng patas na playing field sa pagitan ng mga lokal at dayuhang digital service providers (DSPs) sa pamamagitan ng pagtatakda ng 12% VAT sa lahat ng nakokonsumong digital services sa Pilipinas. Sa ngayon, tanging mga lokal na DSPs lang may VAT.
Para naman mapaunlad pa ang mining industry sa Pilpinas, ibinahagi ng kalihim na puspusan ang gobyerno sa pagtulak ng “Rationalization of the Mining Fiscal Regime” na suportado ng JFC dahil anila’y parehong makikinabang dito ang publiko at pribado.
Bukod dito, inilahad din ng Finance chief na imimungkahi ng pamahalaan na ibaba ang buwis sa stock transactions sa 0.1% mula 0.6% para mapababa ang friction costs at makasabay ang bansa sa mga kapitbansa nito sa Southeast Asia.