COC filing, last day na ngayon
MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) na mayroon na lamang hanggang ngayong Martes, Oktubre 8, ang mga kandidato upang ihain ang kanilang Certificates of Candidacy (COC) para sa posisyon na nais nilang takbuhan para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Sinabi ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco na sa ikapitong araw ng COC filing kahapon, Oktubre 7, ay dumagsa na ang mga kandidatong naghain ng kandidatura sa pagka-senador at party-list groups.
Inaasahan ng poll body na magiging mas abala sila ngayong Martes dahil sa muling pagdagsa ng mga kandidatong hahabol sa last day ng COC filing.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nakapila pa sa tanggapan ng Comelec ang mga kandidatong humahabol sa COC filing.
Sa partial report ng Comelec hanggang 6:00 pm ng Lunes ay nasa 49 senatorial aspirants ang naghain ng COC o mayroon nang kabuuang 127 senatorial candidates.
Nasa 50 naman ang mga grupong naghain ng kandidatura kahapon kaya’t umaabot na sa 137 ang mga lalahok sa party-list race.
Matatandaang ang COC filing para sa 2025 NLE ay sinimulan noong Oktubre 1.
Target ng Comelec na maisapinal ang listahan ng mga kandidato pagsapit ng Disyembre 13, o bago simulan ang ballot printing bago matapos ang taon.
- Latest