MANILA, Philippines — Nagpahayag ng suporta kay Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang iba’t ibang transport group sa kandidatura nito sa pagka Senador sa 2025 midterm elections.
Matapos ang kanyang filing kahapon, sinabi ni Singson na pagtutuunan niya ang tunay na problema ng publiko partikular ang transport sector at digitalization.
Ayon kay Singson, ang transport system ay isa sa mga problema na dapat na nilulutas ng pamahalaan dahil ito ang nagdadala at naghahatid ng mga kalakal at serbisyo.
Sa pangunguna ni Liga ng Transportasyon at mga Operator sa Pilipinas (LTOP) national president Lando Marquez sinabi nito na buo ang suporta ng Magnificent 7, Confederation of Truckers Association of the Philippines at iba pang mga transport groups kay Singson na ang layunin ay maiangat ang kalidad ng transport system sa bansa at mabigyan ng maayos na sasakyang pampasahero ang mga tsuper.
Sakaling palarin sa Senado, sinabi ni Singson na bukas itong hawakan ang Committee on Transportation dahil na rin sa kanyang karanasan sa paggawa ng mga prototype na sasakyan.
Tiniyak ni Singson, tuluy-tuloy lamang ang kanyang gagawing pagtulong sa mga nangangailangan manalo man o matalo sa halalan.