MANILA, Philippines — Kabilang sa mga naghain kahapon ng certificate of candidacy sina Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. dating Senator Manny Pacquiao, dating Senator Gregorio Honasan at dating Marine Col. Ariel Querubin.
Matapos ang pormal na paghahain sa kanyang kandidatura, itinuring na ngayong nagbitiw sa puwesto sa Department of the Interior and Local Government (DILG) si Abalos.
Si Abalos ay bahagi ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas, ang senatorial slate ng administrasyon para sa midterm elections sa susunod na taon.
Nais namang magbalik sa Senado ni Pacquiao na kakandidato rin sa senatorial slate ng administrasyon.
Ayon kay Pacquiao, nais niyang ipagpatuloy ang kanyang adbokasiya na labanan ang korapsyon.
Unang nahalal na senador si Pacquiao noong 2016 nang kumandidato siya sa ilalim mg Partido Demokratiko Pilipino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, una namang nahalal na senador si Honasan noong 1995. Naputol ang kanyang huling termino sa Senado noong 2018 matapos siyang italaga bilang kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sinabi naman ni Querubin na dating sundalo na iniaalay niya muli ang kanyang sarili para sa bayan.