MANILA, Philippines — Inilunsad na ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd) kahapon ang programang ‘Bakuna Eskwela’ upang protektahan ang mga batang mag-aaral laban sa tigdas, rubella, tetanus, diphtheria (MR, Td), at human papillomavirus (HPV).
Target ng proyekto na mabakunahan ang hindi bababa sa 3.8 milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan na naka-enrol sa Grade 1 at 7 gamit ang mga bakunang MR at Td, gayundin ang 973,930 babaeng mag-aaral sa Grade 4 sa mga piling pampublikong paaralan gamit ang bakuna laban sa HPV na nagpoprotekta laban sa cervical cancer.
Ipapatupad ang kampanya sa mga public schools sa buong bansa hanggang Nobyembre 2024. Nasuspinde ang school-based immunization (SBI) sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa datos ng DOH, mula Enero 1 hanggang Setyembre 14, 2024, nakapagtala ng 3,356 kaso ng tigdas at rubella kung saan 11 ang namatay; 215 dipterya na may 25 pagkamatay; at 81 neonatal tetanus na may 44 pagkamatay. Nasa 7,897 kababaihan ang na-diagnose na may cervical cancer, at 4,052 ang namamatay sa sakit taun-taon.
Anang DOH at DepEd, ang lahat ng mga kaso at pagkamatay na ito ay maaari sanang napigilan sa pamamagitan ng ligtas at epektibong pagbabakuna.