MANILA, Philippines — Inihahanda na ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice ang impeachment case laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia dahil sa umano’y patung-patong na panloloko nito sa publiko at mga botante.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Erice na patuloy umano ang pagsisinungaling ni Garcia sa usapin ng Miru System matapos umano nitong i-withdraw ang kontrata ng St. Timothy Construction Corporation (STCC) sa joint venture dahil sa umano conflict of interest sa koneksiyon nito sa St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corporation (SGCGCDC).
Lumilitaw na makakalaban ni Pasig City Mayor Vico Sotto si Sarah Discaya ang misis ni Curlee Discaya na may-ari ng SGCGCDC.
Nagtataka si Erice kung bakit wala sa General Information Sheet ang pangalan ni Discaya kung ito ang nagmamay-ari ng STCC at sa halip isang Migz Juntura ang nakapangalan na presidente.
Hindi rin umano tama na nag-‘aabogado’ ito sa MIRU lalo pa’t hindi pa nagagamit sa anumang halalan ang bagong sistema sa anumang bansa.
Bagama’t inutos nito sa Comelec Law Department na rebisahin ang withdrawal ng STCC, hindi na nakapaghintay pa si Garcia sa desisyon ng law department at ito na ang nagpasya na tanggalin ang STCC sa joint venture na isa umanong paglabag.
Bunsod nito nagpahayag ng pangamba si Erice na posibleng magkagulo sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.