MANILA, Philippines — Aabot sa mahigit 20 milyong botante, na kabilang sa tinaguriang Generation Z, ang inaasahang lalahok at boboto para sa nalalapit na May 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kung ang pagbabasehan ay ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), aabot sa 24 milyon ang mga botanteng kabilang sa naturang henerasyon, kasama na ang mga edad 15-17 years old.
Aniya, “More or less, nag-e-expect tayo ng mga hanggang 20 million members of Gen Z na mga kabataan.”
Ang Generation Z (Gen Z), o yaong mga indibidwal na ipinanganak sa pagitan ng mga taong 1997 at 2012.
Kaugnay nito, nanindigan din naman si Garcia na mahalaga ang boto ng kabataan sa mga halalan.
Aniya pa, “Yung votes nila will matter. Ganyan kahalaga ang boto nila sapagkat sila ang magdidikta ng kinabukasan ng ating bayan.”
Sa datos ng Comelec, aabot sa 65 milyon ang botante para sa midterm polls.