MANILA, Philippines — Upang hindi malihis ang imbestigasyon, iginiit ni Sen, JV Ejercito na tapusin na ang pagdinig na ng Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sinabi ni Ejercito na iminungkahi niya kay Sen. Risa Hontiveros, chair ng komite na tapusin na ang pagdinig dahil nagiging talkshow na ito.
“Siguro sabi ko kay Sen. Risa pwede na i-wrap up soon kasi baka malihis pa. Meron na sa House meron pa sa Senate,parang nagiging talk show na rin. Baka malihis tayo sa tunay na pakay hanapin ang talagang nasa likod ng krimen,” ani Ejercito.
Naniniwala si Ejercito na isang international web syndicate ang nasa likod ng POGO at kabilang sa front si dismissed Bamban mayor Alice Guo. Umaasa rin si Ejercito na maging komportable sa executive session si Guo at ihayag sa mga senador ang nasa likod ng POGO.
Muling magsasagawa ng pagdinig ang komite sa Martes kung saan posibleng ituloy ang executive session upang malayang makapagsalita si Guo.