MANILA, Philippines — Walang balak ang gobyerno ng Pilipinas na itaas ang alert status sa Lebanon sa kabila ng tumitinding labanan sa pagitan ng Israel at Hezbollah.
Sa isang News Forum sa Quezon City, sinabi ni Marlowe Miranda, Deputy Assistant Secretary ng Department of Foreign Affairs- Office of Middle East and African Affairs (OMEAA), na walang dahilan para ilagay sa pinakamataas o alert level 4 ang sitwasyon sa Lebanon.
Paliwanag ni Miranda, ang ibig sabihin ng pagtataas sa Alert Level 4 ay magpapatawag ang gobyerno ng Pilipinas ng mandatory repatriation ng mga Pilipino.
Gayunpaman, sinabi ni Miranda na ang patuloy na repatriation efforts ng Philippine Embassy sa Beirut ay kasing tindi na rin ng Alert Level 4.
Ang kasalukuyang Alert Level 3 ay nananatili sa Lebanon, na ibig sabihin ang mga Pilipino ay maaaring mamili para sa boluntaryong repatriation.
Sinabi pa ng opisyal na “may isa pang grupo ng mga OFWs na ayaw itaas ang Alert Level 4 dahil baka hindi na sila makakabalik sa Lebanon kung sila ay repatriated.”
Ayon kay Miranda, ang mga OFW na nag-avail ng boluntaryong repatriation ay may “mas malaking tsansa… na makabalik sa Lebanon, depende sa mga regulasyon doon.
Sa ngayon aniya mahigit 500 Pilipino na ang nakabalik sa Pilipinas mula sa Lebanon, habang 1,205 pa ang nagpahayag ng kanilang intensyon na ma-repatriate sa nakaraang 48 oras.
Patuloy naman hinihikayat ng Philippine Embassy sa Beirut ang mga Pilipino na umalis na habang may mga available na commercial flights sa gitna ng patuloy na pagsabog ng rocket sa pagitan ng Israel at Hezbollah.