Info campaign vs hazing pinalulunsad sa CHED, DepEd, DILG

Ipinaalala niSenador Juan Miguel “Migz” Zubiri ang hatol kamakailan sa mga responsable sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III at pagkamatay ng isa pang 18-anyos na estudyante sa Nueva Ecija.
Philstar.com / Jonathan Asuncion

MANILA, Philippines — Hinimok ni  Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri sa mga pangunahing ahensya ng gobyerno, kabilang ang Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG), na paigtingin ang kamalayan ng publiko tungkol sa  fraternity hazing.

Ipinaalala ni Zubiri ang hatol kamakailan sa mga responsable sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III at pagkamatay ng isa pang 18-anyos na estudyante sa Nueva Ecija.

Binigyang-diin ni Zubiri ang kahalagahan ng isang malawak na information campaign upang ipaalam sa mga mag-aaral at sa publiko ang malubhang kahihinatnan ng pagsasagawa ng pisikal na pananakit sa mga neophyte upang sumali sa isang kapatiran o fraternity.

Sinabi ni Zubiri, na ang mga pumatay kay Castillo ay nahatulan sa ilalim ng 1995 Anti-Hazing Law at hindi sa ilalim ng 2018 version ng statute kaya walang opisyal ng paaralan ang nahatulan para sa pagkamatay ng estudyante.

Bagaman at 10 miyembro ng fraternity ang nahatulan at nasentensiyahan ng reclusion perpetua, sinabi ni Zubiri na dapat na parusahan din ang mga opisyal ng paaralan.

Sinabi niya na mula noong 2018, maraming mga kabataang lalaki ang namatay o patuloy na nagdurusa sa hazing, dahil ang ilang mga kapatiran ay hindi kailanman binitawan ang tradisyon ng barbaric practice na ito.

Kabilang sa mga namatay ay sina: Darwin Dormitorio, mga kapwa kadete ng PMA, Setyembre 2019; Omer Despabiladeras, Tau Gamma Phi, Pebrero 2020; Robert John Limpioso Fernandez, Alpha Kappa Rho, Agosto 2020; Joselito Envidiado, Tau Gamma, Nobyembre 2020; Jonash Bondoc, collegiate hazing, Hulyo 2021; Mark Lester Miranda, namatay sa hazing ritual, Setyembre 2021; George Karl Magsayo, police hazing sa PNPA, Setyembre 2021;  Reymarc Rabutazo, Tau Gamma, Marso 2022; Jaypee De Guzman Ramores, police hazing, Hulyo 2022; August Caezar Saplot, Alpha Kappa Rho, Setyembre 2022;  Ronnel Baguio, Tau Gamma, Disyembre 2022; John Matthew Salilig, Tau Gamma, Pebrero 2023;  Ahldryn Lery Bravante, Tau Gamma, Oktubre 2023; Vince Andrew Delos Reyes, collegiate hazing, Hulyo 2024; at  Ren Joseph Bayan, Tau Gamma Phi, Setyembre 2024.

Binanggit ni Zubiri na, sa kabila ng Anti-Hazing Act of 2018, ang ilang sektor ng academic community ay nananatiling nag-aatubili na puksain ang hazing practices dahil maraming miyem­bro mismo ng faculty ang miyembro ng alumni ng mga organisasyon o fraternity.

Show comments