MANILA, Philippines — Malaking ibinagsak ng trust at approval rating ni Vice President Sara Duterte sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) ngayong Setyembre.
Bagamat lahat ng matataas na opisyal simula kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. hanggang kay House Speaker Martin Romualdez ay bumaba ang rating noong Setyembre, kapansin-pansin na tanging rating ni VP Sara ang malaki ang ibinagsak.
Base sa Pulse Asia Survey, bumaba ng 10 puntos ang trust rating ng bise presidente mula 71% noong Hunyo, at ngayon ay nasa 61% na lamang.
Sampung puntos din ang ibinaba ng trust rating ni VP Sara sa SWS ngayong Setyembre, mula 65% noong Hulyo 2024 at ngayon ay naging 55% na lang.
Bumaba rin ng siyam na puntos ang approval rating ni VP Duterte sa Pulse Asia Survey mula 69% noong Hunyo at ngayon ay 60% na lang.
Pero sa National Capital Region (NCR), 28 puntos ang ibinagsak ng approval rating ni VP Sara, mula sa 64% noong Hunyo, ngayon ay 36% na lang.
Sa tingin ng ilan, ang imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa intelligence at confidential fund ni VP Sara ang marahil na dahilan ng pagsadsad ng rating nito.
Bumaba rin naman ang rating nina Pang. Marcos, Senate Pres. Francis ‘Chiz’ Escudero at Speaker Romualdez, subalit bahagya lamang ito, kumpara sa ibinagsak ng rating ng bise presidente.