MANILA, Philippines — Sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng iba’t ibang kaso sa Department of Justice (DOJ) si dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at ilan pang indibidwal, kaugnay ng pamemeke sa lagda sa isinumite nitong counter-affidavit para sa kinakaharap na qualified trafficking complaint.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, mga kasong falsification by a notary public, use of falsified documents, perjury, at obstruction of justice ang inihain nila laban kay Guo, at limang iba, kabilang ang abogadong si Atty. Elmer Galicia, na siyang nag-notaryo ng naturang counter affidavit.
Sinabi ni NBI Task Force Alice Guo head agent Palmer Mallari na lumitaw sa resulta ng eksaminasyon na hindi nilagdaan ni Guo ang kanyang counter-affidavit.
Taliwas ito sa pahayag niya sa isang pagdinig sa Senado noong Setyembre 17.
Ipinaliwanag ni Mallari na lumitaw sa kanilang pagsusuri na iba ang lagda ni Guo sa mga orihinal na dokumento na nilagdaan nito sa Bamban, kumpara sa isinumiteng counter-affidavit.
Aniya, nangangahulugan ito na iba ang pumirma sa counter-affidavit.
Si Galicia ay mahaharap rin naman sa kasong disbarment sa Supreme Court dahil sa insidente.
Sa kanyang panig, hinikayat naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga abogado na sumunod sa batas.
Matatandaang si Guo ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa Pasig court.
Graft case naman ang kinakaharap nito sa Valenzuela court at quo warranto petition sa Manila court.
Mayroon din siyang tax evasion at money laundering complaint sa DOJ.