12% VAT sa foreign digital services aprub kay Marcos
MANILA, Philippines — Ganap nang batas ang Republic Act 12023 o Value Added Tax Digital Services Law matapos matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ceremonial signing sa Malakanyang, kahapon.
Sa ilalim ng bagong batas, papatawan ng 12 percent VAT ang mga e-commerce transactions partikular sa online search engines, online marketplaces, cloud services, online media at advertising, online platforms , digital goods at digital businesses tulad ng Netflix, Google at iba pa.
Binigyan diin ng Pangulo na kailangang tugunan ang gap sa sistema ng pagbubuwis na nilikha ng digital services.
Paliwanag niya, na kakumpetensya ng lokal na mga negosyo ang international digital platforms na kumikita sa mga Filipino kaya naman nararapat lang na buwisan din ang mga ito.
Sa loob ng limang taon ay inaasahang makakakolekta ng P105 billion sa bagong batas, at sapat para makapagpatayo ng 42,000 silid aralan, mahigit 6,000 rural health units at 7,000 kilometro ng farm to market roads.
Nilinaw naman ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr. na maliit lamang ang itataas sa bayad sa digital services.
Kaya tiwala si Lumagui na hindi maitataboy ng bagong batas ang mga dayuhan mamumuhunan.
Giit pa niya na iba-block ang mga dayuhang kumpanya na hindi tatalima sa bagong batas.
- Latest