MANILA, Philippines — Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na ‘generally peaceful’ ang unang araw ng filing ng Certificate of Candidacy kahapon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, patuloy ang kanilang monitoring sa sitwasyon sa filing ng COC at umaasa na magtutuluy-tuloy ito hanggang sa Oktubre 8.
Nasa mahigit 36,000 pulis ang idineploy sa buong bansa upang matiyak na maayos at ligtas ang filing ng COC.
Dagdag pa ni Marbil, pinaalalahan din niya ang mga pulis na siguraduhin na non-partisan ang PNP upang maiwasan ang anumang isyu.
Kasabay nito, sinabi ni Marbil na pinaghahandaan din nila ang pagsisimula ng Election Period sa Enero ng susunod na taon.
Kasama sa pinatutukan nya ang paglansag at paghabol sa mga private armed group, criminal gangs at loose firearms na maaring magamit sa karahasan
Inatasan din ni Marbil sa kanyang mga ground commander na tutukan ang mga lugar na napabilang sa election hotspot noong nakaraang eleksyon.