MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na nasa kabuuang 42 party-list groups ang inalis nila sa listahan at kinanselahan ng rehistro para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Sa ilalim ng Memorandum No. 241119 na inilabas ng Comelec, nabatid na na-delist ang 11 party list groups dahil sa pagkabigong lumahok sa huling dalawang nakaraang elections.
Kabilang dito ang 1-ABA; ABYAN ILONGGO; AKIN; ALON; AMANA; ANG PDR; CLASE; KGB; MELCHORA Movement of Women For Change And Reform; NACTODAP at PDDS.
Samantala, nasa 31 naman ang inalis sa listahan dahil sa kabiguang makakuha ng nasa dalawang porsiyento ng boto para sa party-list system at hindi nakakuha ng puwesto sa second round ng seat allocation para sa party-list system sa nakaraang dalawang halalan.