Atayde sasabak sa reelection
MANILA, Philippines — Muling sasabak sa reelection sa Quezon City 1st District si Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas para sa midterm elections sa May 2025.
Si Atayde ay naghain nitong Martes ng Certificate of Candidacy (COC) para sa ikalawang termino kung saan sinamahan ito ng kaniyang pamilya at ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa National Capital Region Office ng Comelec sa San Juan City.
Ayon kay Atayde, nais niyang ipagpatuloy pa ang mga programa at proyekto para sa kapakinabangan ng mga residente sa unang distrito ng lungsod Quezon.
“May mga nagawa na tayo, pero marami pa tayong gustong gawin. We want to follow through on the anti-flooding projects that we have in the pipeline, as well as continue crafting and passing legislation that will benefit the families and residents of our district,” anang actor solon.
Sa kaniyang unang termino ay umakda ng mga panukalang batas si Atayde na naisabatas tulad ng Eddie Garcia Law, Internet Transaction Act, Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at ang Magna Carta of Filipino Seafarers Act.
Nangako naman si Atayde na susuportahan ang mga lehislatibong agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gayundin ang mga senatorial slate nito sa darating na halalan.
Samantala, naghain na rin ng COC si Navotas Lone District Rep. Toby Tiangco, para sa kaniyang reelection. Natalaga si Tiangco bilang Spokesman ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
- Latest