MANILA, Philippines — Sa kabila ng kanyang sakit na kanser, plano pa rin ni Dr. Willie Ong na tumakbo sa senatorial race sa 2025 midterm elections.
Mismong si Doc Willie ang nag-anunsiyo nito sa isang Facebook Live.
Ayon kay Doc Willie, nagawa na niya ang mga papeles para sa kanyang kandidatura at naipa-notaryo na rin ito.
Ang kanyang maybahay aniya na si Doc Liza ang maghahain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa Miyerkules, Oktubre 2, sa Commission on Elections (Comelec).
“Magfa-file po ako for senator. I’ll be filing for senator sa October 2, Wednesday,” anunsiyo pa ni Doc Willie.
“Si Doc Liza, nasa airplane na ngayon... Siya magfa-file ng sa akin, pero ako tatakbo,” aniya pa.
Sinabi ng doktor na tatakbo siya kahit walang pondo o isponsor upang ipakita na tunay ang Diyos at kaya niyang manalo sa halalan.
“Tatakbo tayo, papakita natin tunay ang Diyos. This time, we’re gonna win it,” aniya pa.
Dagdag pa niya, “First miracle, I have to get well. Second, tatakbo tayo nang walang pera kung hindi manalo e di sorry but I’ll give it my best shot.”
Matatandaang si Doc Willie, na isang kilalang doctor-vlogger, ay dati nang tumakbo sa vice presidential race noong 2022 elections, ka-tandem ang natalong presidential candidate at dating Manila Mayor na si Isko Moreno, ngunit hindi pinalad na manalo.
Kamakailan lamang naman ibinunyag niya na siya ay may sarcoma cancer, na maaari aniyang nakuha niya dahil sa stress na dinanas nang tumakbo sa halalan at kasalukuyan pang sumasailalim sa gamutan.