MANILA, Philippines — Umaabot sa 120,000 Caviteños ang nakinabang sa may P1 bilyong halaga ng programa at serbisyo ng gobyerno, sa ika-24 na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na idinaos sa Cavite nitong Biyernes at Sabado.
Kaugnay nito, tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ipagpapatuloy ng BPSF ang paghahatid ng direktang serbisyo at tulong sa mga Pilipino.
Nabatid na ang pamilya Revilla, sa pangunguna ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., at misis nitong si Cavite Rep. Lani Mercado Revilla, ang naging local host ng aktibidad, katuwang si Speaker Romualdez at may 65 ahensya ng pamahalaan na may dalang 235 mahahalagang programa at serbisyo.
“Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay patunay na walang maiiwan sa Bagong Pilipinas ng ating Pangulong BBM. Dito, mabilis, maayos, maginhawa at masaya ang serbisyong hatid natin sa bawat Pilipino,” ani Speaker Romualdez.
Sa ilalim ng naturang programa, ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng kabuuang P451 milyong cash assistance at 255,500 kilo ng bigas.
“Ang tagumpay ng Serbisyo Fair ay isang halimbawa ng ating pagkakaisa para tiyakin na maramdaman ng bawat Pilipino ang presensya ng pamahalaan,” sabi ni Speaker Romualdez.
“Sa pamamagitan ng mga programang ito, natutulungan natin ang ating mga kababayan na makabangon at makahanap ng trabaho o kabuhayan,” dagdag ni Romualdez.