MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang lumutang na alegasyon na isang espiya ng China ang nadismis na si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo.
“Definitely DILG-PNP [Department of the Interior and Local Government-Philippine National Police] should investigate these allegations,” pahayag ni DILG Secretary Benhur Abalos.
Lumutang sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara nitong Biyernes ng gabi ang isang documentary video ng Al Jazeera kung saan inamin ni She Zhiijiang, isang self-confessed Chinese spy na siya at si Guo ay mga espiya na handang ialay ang buhay sa China’s Ministry of State Security (MSS).
Ayon kay Abalos, aatasan niya si PNP Chief P/Rommel Francisco Marbil para siyasatin ang seryosong alegasyon ng detenidong Chinese spy na magkasama sila ni Guo sa misyon.
Una nang pinagdudahan ang nagkalat at sangkaterbang bilang ng mga Chinese nationals na dumagsa sa bansa, karamihan dito ay mga estudyante umano at mga negosyante na nagkalat sa buong Pilipinas partikular na malapit sa EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sa Cagayan.
“It’s unfair, hindi ako spy,” tugon naman ni Guo kay Davao del Norte Rep. Cheeno Almario nang tanungin ito kung totoo ang isiniwalat ni She na kasamahan niyang espiya ng MSS si Guo.
Ang MSS ay responsable sa pange-espiya ng China sa ibang bansa, counter-intelligence, seguridad sa pulitika na ikinokonsiderang isa sa makapangyarihan at masikretong security agency sa buong mundo.
Sa nasabing video ay sinabi ni She na si Guo ay si Guo Hua Ping na Chinese name ng nasabing nadismis na alkalde, na hindi aniya dapat pagkatiwalaan at hinikayat itong sabihin na sa buong mundo ang katotohanan dahilan bistado na ito.
Idinagdag pa ni She na humingi umano si Guo na pondohan niya ang mayoralty campaign nito sa bansa noong Mayo 2022 polls pero tinanggihan niya.
Bagaman nabulaga si Guo sa nasabing video ay mariin niyang itinanggi na kilala niya si She at sinabing nais niyang maghain ng kaso laban dito pero sinabi ng solon na nakakulong na ang nasabing Chinese spy sa Thailand.