‘Julian’ lumakas, signal no. 1 itinaas

Alas-5 ng hapon ng Sabado, September 28, ang bagyong Julian ay naitala ng Pagasa sa layong 380 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 km per hour at pagbugso na umaabot sa 90 kph.
PAGASA Satellite

MANILA, Philippines — Bahagyang lumakas ang Bagyong Julian habang kumikilos sa sila­ngan ng Cagayan.

Alas-5 ng hapon ng Sabado, September 28, ang bagyong Julian ay naitala ng Pagasa sa layong 380 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 km per hour at pagbugso na umaabot sa 90 kph.

Dulot nito, nakataas ang signal number 1 ng bagyo sa Batanes, Cagayan kasama na ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Kalinga, silangang bahagi ng Mountain Province (Natonin, Para­celis), silangang bahagi ng Ifugao (Aguinaldo, Alfonso Lista), Ilocos Norte at sa hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran).

Ngayong Linggo ng hapon, si Julian ay inaasahang kikilos pakanluran timog kanluran o sa pangkalahatang direksyon ng hilagang kanluran hangang Martes, Oktubre 1 papuntang Batanes-Babuyan Islands area bago lumakas sa may bahagi ng hilaga hilagang silangan sa dalampasigan ng silangan ng Taiwan.

Sa Lunes, September 30, inaasahan na si Julian ay mag-landfall o lumapit sa Batanes o Babuyan island hanggang Martes.

Patuloy na lalakas si Julian sa buong forecast period at maaabot ang typhoon category sa Martes.

Tinaya rin ng Pagasa na hindi maaabot ni Julian ang super typhoon category.

Inaasahang lalabas ng bansa ang bagyo sa Huwebes, Oktubre 3.

Show comments