3K POGO workers na-downgrade visa, nakaalis na ng Pinas

Nabatid na iniulat ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado sa pulong ng “Task Force POGO Closure” na noong Setyembre 24 ay nag-downgrade sila ng 5,955 visa.
AFP

MANILA, Philippines — Nasa 55 porsyento na o 3,000 mula sa 5,995 dayuhang manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na may downgraded visas ang nakaalis na ng bansa, ayon sa Bureau of Immigration nitong Sabado.

Nabatid na iniulat ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado sa pulong ng “Task Force POGO Closure” na noong Setyembre 24 ay nag-downgrade sila ng 5,955 visa.

Ang task force ay binubuo ng Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Philippine Amusement and Gaming Corporation, Presidential Anti-Organized Crime Commission at BI.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.

“During the meeting, members agreed to conduct service days for POGO companies, where we will implement their downgraded visa status and issue exit clearan­ces,” ani Viado.

Sinabi ni Viado na nabuo ang mga team para personal na pumunta sa mga POGO, na kilala ngayon bilang Internet Gaming Licensees (IGLs), at ipatupad ang downgrading on-the-spot.

Dagdag pa niya, sasamahan din sila ng mga kinatawan ng DOLE sa mga araw ng serbisyo para tumanggap ng mga sumukong alien employment permit ng mga POGO workers.

Aniya, ang pagsisikap ay bahagi ng aksyon na ginawa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mapabilis ang aplikasyon ng mga POGO o IGL para sa mga dayuhang manggagawa nito na makalabas ng bansa.

Nauna nang binigyan ng DOJ ang lahat ng da­yuhang manggagawa ng POGO hanggang Oktubre 15 para boluntaryong mag-downgrade.

Ang mga hindi makapag-apply bago ang deadline ay uutusang umalis ng bansa sa loob ng 59 araw.

Kung hindi sila aalis bago ang Disyembre 31, sisimulan ng BI ang mga paglilitis sa deportasyon.

Sinabi ni Viado na sa darating sa 2025, kung kailan ang mga tumang­ging umalis ay huhulihin, ide-deport at i-blacklist mula sa Pilipinas.

Show comments