Sindikato ng POGO at droga bistado!
MANILA, Philippines — Bistado na ang modus na nasa likod ng Pharmally, POGO at shabu matapos iprisinta ng Quad-committee ng Kongreso ang umano’y “criminal enterprise” na pinamumunuan nila Michael Yang at Lin Weixiong alyas Allan Lim na asawa ni Rose Lin.
Ayon sa matrix na ipinakita ni Deputy Speaker Jayjay Suarez sa ika-pitong pagdinig ng pinagsama-samang komite ng Kamara, konektado ang pare-parehong tao na ginagamit ng sindikato.
“The most obvious in these network of corporations by Allan Lim is his wife, Rose Nono Lin. Sinundan namin si Rose Lin at isa sya sa nagco-connect kay Allan Lim at kay Michael Yang. This is a known fact at makikita po natin na si Rose Nono Lin is an incorporator of at least eight companies where Michael Yang is involved,” ayon kay Suarez.
Kasama na dito sa mga kumpanya na dawit sa POGO at shabu ay ang Paili Estate Group, Paili Holdings, Philippine Full Win Group of Companies, at ang kanilang entry point sa POGO na Xionwei Technologies.
Lumabas din sa imbestigasyon na pareho ang service provider ng Xionwei at ang kontrobersyal na POGO ni Alice Guo na Baofu. “Brickhartz service provider and has the same address as Xionwei Technologies which is owned by Allan Lim. ‘Di ba kabit-kabit na? Corporate documents of Brickhartz were found in the POGO raid in Bamban Tarlac. Itong Brickhartz na based in Cavite, bakit ang papel nito ay natagpuan at nahanap sa Bamban? Naglakad kaya ito o sumakay ng small boat papunta sa Bamban?,” dagdag ni Suarez.
Ayon naman kay Deputy Speaker Dong Gonzales, hindi lang ito sa POGO at Pharmally, may drugs pa. “The Allan Lim and Michael Yang group is linked to Golden Sun 999 which is significant because it connects us to Empire 999 na heavily involved sa mass land acquisition o pagkamkam ng mga ari-arian at sa iligal na droga. The connection lies to the interlocking directors and common incorporators, shareholders amongst these corporations, kasama na si Rose Lin.”
Gamit na gamit umano ng sindikato si Rose Lin dahil sa pagiging Pilipino na isang mahalagang elemento para maka-comply sa nationality requirement ng korporasyon. Halimbawa na rito ang ilan sa mga korporasyon na pagmamay-ari ni Allan Lim kung saan 60% ang shares ni Rose Lin.
Ani pa ni Suarez na ang mga negosyong itinatag nila Michael Yang at Allan Lim dito sa ating bansa ay palaging nasasangkot sa mga iligal na aktibidad. “Sila-sila rin ang mga pangalan na nasa Pharmally controversy kung saan maraming Pilipino ang napaluhod ng Covid-19. Pinagkakitaan po talaga ‘yan laban sa mamamayang Pilipino.”
Nangako rin si Gonzales na hindi titigil ang Quadcomm “hanggang masisid at masimot natin ang lahat ukol sa sindikatong ito at kung paano nila nagawa ang pagsasamantala sa ating bansa. We will end their era.”
- Latest