MANILA, Philippines — “Not guilty” ang sagot ng nadismis na si Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa kinakaharap na kasong qualified human trafficking sa pagbasa sa kaniya ng sakdal (arraignment) sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167 nitong Biyernes.
Iginiit ni Atty. Nicole Jamilla na walang partisipasyon si Guo sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac.
“We pleaded not guilty; ma’am pleaded not guilty to the crime alleged,” pahayg ni Jamilla sa ambush interview sa Pasig City RTC na siyang dumalo sa arraignment.
Si Guo naman na nakapiit sa female dormitory ng Pasig City Jail ay dumalo sa arraignment sa pamamagitan lamang ng videoconference.
Hindi na nagbigay pa ng ibang komento si Jamilla alinsunod sa subjudice rule.
Nag-ugat ang kaso laban kay Guo sa reklamong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Inakusahan si Guo na sangkot sa iligal na operasyon ng POGO hub na Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, na ni-raid noong Marso. Nabatid na non-bailable ang qualified human trafficking.
Samantala, hindi naman natuloy ang arraignment sa isang Walter Wong Long, ang kapwa akusado ni Guo sa nasabing kaso, dahil sa inihaing motion to suspend proceedings ng kaniyang abogado, nang hindi maisama ang kliyente sa preliminary investigation.