MANILA, Philippines — Dinoble na ng Department of Education (DepEd) ang vacation service credits (VSCs) ng mga guro.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 13, s. 2024, na nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, bilang suporta sa mga public school teachers, ang VSCs ng mga guro ay magiging 30 araw na, mula sa dating 15 araw lamang.
Sa ilalim ng naturang revised order, ang mga kasalukuyang guro na may isang taon na sa serbisyo, gayundin ang mga newly hired teachers na na-appoint sa loob ng apat na buwan matapos ang pagsisimula ng klase, ay entitled na sa 30-araw na VSCs taun-taon.
Bilang karagdagan, ang mga newly hired teachers na ang appointments ay inilabas, apat na buwan matapos magsimula ang klase, ay tatanggap ng 45-araw na VSCs kada taon.
Sinabi ng ahensiya na isa sa mga kapansin-pansing pagbabago ay ang probisyon sa pag-calculate ng service credits paglampas ng regular work hours.
Ipinaliwanag nito na para sa bawat araw ng eligible service na naipagkaloob ng mga guro sa panahon ng araw ng pasok, sila ay magkakaroon na ng 1.25 oras ng VSC.
Kung sila naman ay nagserbisyo sa Pasko o summer breaks, weekends, o holidays, ito naman ay katumbas ng 1.5 oras ng VSC kada oras.
Anang DepEd, ang bagong guidelines ay nagpapakita sa kanilang commitment na matugunan ang evolving demand ng mga guro at pagtiyak na sila ay nabibigyan ng maayos na kumpensasyon para sa karagdagang trabahong ipinagkakaloob sa kanila, partikular na sa summer o long vacations.