MANILA, Philippines — Ipinakilala na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kandidato ng administrasyon sa pagka-Senador para sa darating na 2025 national elections.
Ang anunsiyo para sa magic 12 na mula sa iba’t ibang partido ay ginawa ng Pangulo sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Convention sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Kabilang sa magic 12 ng administrasyon ay sina dating Senador Manny Pacquiao; DILG Secretary Banhur Abalos at Senador Francis Tolentino na pawang mula sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ni Pangulong Marcos.
Kabilang din sina dating Senador Bong Revilla at Erwin Tulfo na galing sa Lakas-CMD.
Habang pasok din sa admin slate sina dating Senador Tito Sotto; Ping Lacson, Lito Lapid at Makati City Mayor Abby Binay na galing naman sa Nationalist People’s Coalition (NPC).
Samantala, pambato naman ng Nacionalista Party sina Senador Pia Cayetano; Las Piñas Congresswoman Camille Villar at Sen. Imee Marcos na tanging hindi nakadalo sa pagtitipon.
Ayon sa Pangulo, hindi nakadalo ang kanyang kapatid dahil nauna na itong nangangampanya.
Sa 12 kandidato, pito ang galing sa House of Representatives at walo ang beteranong Senador.
Sa nasabing line up, apat ang humawak ng cabinet rank at apat naman ang abogado.
Nabatid naman na tuwing araw ng Huwebes, sasama si Pangulong Marcos sa pangangampanya sa 12 kandidato.