PNP kinumpirmang ‘nag-beach’ si VP Sara

The Office of the Vice President has refuted online photos showing Vice President Sara Duterte spending time on the beach of Calaguas Island.
STAR/File

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na “nag-beach” si Vice President Sara Duterte sa Calaguas Island sa Camarines Norte nitong Setyembre 21 sa kasagsagan ng budget deliberation sa Kongreso.

Batay sa After Security Coverage report na isinumite ni Pcol. Joselito Villarosa, Jr., kay Police Regional Office (PRO5) na pirmado ni PRO5 Director PBGen. Andre Dizon, dumating ng Setyembre 21 sa Vinzons, Camarines Norte si Duterte dakong alas-6:30 ng umaga at nagtungo sa Palencia Docking Port sa Logpond, Brgy. Calangcawan, Norte kung saan sumakay ito ng motorized banca patungong Mabahang Buhangin Beach, Brgy. Magcawayan, Calaguas Island, Vinzons Camarines Norte.

Bandang alas-9 ng umaga nang mag check-in si Duterte at mga kasama sa “I Love Calaguas Resort”.

Kinabukasan Setyembre 22, bandang alas-9 ng umaga nang makipagpulong si Duterte kay Mayor Eleanor Sugundo sa mga Barangay Chairman at kagawad sa Brgy. Mangcawayan at Banocboc, Calaguas Islands, Vinzons. Setyembre 23 bandang alas-6:28 ng umaga nang umalis sa Calaguas Island at bumalik sa Palencia Docking Port sa Logpond, Brgy. Calangcawan, Norte Vinzons, Camarines Norte bandang alas 8:37 ng umaga.

Dito na binisita ni Duterte ang LGU Vinzons Municipal Hall at nagtungo sa mga landmarks at cultural heritage na kinabibilangan ng Wenceslao Vinzons Shrine; Heritage Education Museu at St. Peter de Apostle Parish Church.

Bandang alas-1:25 ng umaga ng Setyembre 23 nang umalis sa AOR ng Vinzons, Camarines Norte patungong Cory Quirino Boulevard, Talisay Camarines Norte ang grupo ng Bise Presidente.

Binatikos ang mga mambabatas ang umano’y “paglalamyerda” ni Duterte habang nakasalang ang deliberasyon sa budget ng Office of the Vice President.

Anang mga mambabatas, tila hindi na seryoso ang bise presidente sa kanyang posisyon kaya hiling na magbitiw na lamang ito.

Show comments