MANILA, Philippines — May bago ng hepe ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa katauhan ni PBGen. Nicolas Torre III.
Batay sa inilabas na general order, itinalaga ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil si Torre simula kahapon Setyembre 25, kapalit ni PMaj. Gen. Leo Francisco na inilipat naman sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU).
Si Torre ang sinasabing susi sa pagkakahuli kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at sa apat na iba pa na kinabibilangan nina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Crisente Canada at Syliva Cemañes.
Ayon kay Marbil, si PBGen. Victor Rosete naman ang hahalili kay Torre bilang acting Director ng Police Regional Office 11 o Davao Regional PNP.
Samantala, itinalaga rin ni Marbil si Police Brig. Gen. Christopher Birung sa PNP Academy buhat sa Police Regional Office 2 o Cagayan Valley PNP epektibo nitong Martes, Setyembre 24.
Habang papalitan naman siya ni Police Brig. Gen. Antonio Marallag Jr. na nagmula naman sa Headquarters Support Service (HSS).
Itinalaga rin ni Marbil si Police Brig. Gen. Jaysen de Guzman bilang Acting Regional Director ng Police Regional Office 10 (Northern Mindanao) kapalit ni Police Brig. Gen. Ricardo Layug na nakatakda namang magretiro ngayon, September 26.