MANILA, Philippines — Lumobo na sa 251 ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa West Philippine Sea bunsod ng mga militia vessels na nakapaligid sa kinaroroonan ng BRP Sierra Madre.
Ayon sa report ng Philippine Navy, umaabot na sa 251 China Coast Guard (CCG) ships, People’s Liberation Army-Navy (PLA-N) warships at Chinese maritime militia (CMM) vessels ang naitala mula Setyembre 17 hanggang 23.
Ang mga Chinese ship na namataan sa WPS ay 2 CCGs, 2 PLANs, 7 CMMs, 1 research ship sa Bajo de Masinloc; 9 CCGs, 62 CMMs, 1 research vessel sa Ayungin Shoal; 1 CCG, 23 CMMs, 1 research vessel sa Pagasa Islands; 3 PLANs sa Likas Island; 2 CMMs sa Panata Island; 16 CCGs, 11 PLANs, 55 CMMs sa Escoda Shoal at 18 CMMs sa Iroquois Reef.
Sinabi ng PN na ang nasabing bilang ay record breaking at mas mataas sa 157 vessels na naitala mula Setyembre 10 hanggang 16.
Karamihan ng mga barko ng China ay nakikita sa Ayungin Shoal at Escoda Shoal.
Ang BRP Sierra Madre ay nakadaong sa Ayungin Shoal.
Noong nakaraang linggo nang tinanggal ng Philippine Coast Guard sa Escoda Shoal ang BRP Teresa Magbanua.
Sa kabila nito, iginiit ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, spokesman ng Philippine Navy sa WPS na hindi ito nangangahulugan na China na ang may kontrol sa South China Sea at ginagawa naman lahat ng AFP ang kanilang mandato para protektahan ang soberenya ng bansa.