MANILA, Philippines — Nag-sorry nitong Martes ang senior vice president ng PAGCOR na si Raul Villanueva sa pagpapalabas ng hilaw na impormasyon tungkol sa umano’y papel ng isang dating hepe ng Philippine National Police sa pagtakas ni dismissed Bamban mayor Alice Guo.
Si Villanueva, isang retiradong heneral ay dating namumuno sa communication electronic information service ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.
Matatandaan na sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Villanueva na nakatanggap sila ng ulat na isang dating hepe ng PNP ang sangkot umano sa pagtakas ni Guo at napabalitang bahagi ng “monthly payroll” ng dating alkalde.
Umalma ang mga dating hepe ng PNP sa sinabi ni Villanueva lalo pa’t hindi naman ito berikado.
“However, if the information turns out false after validating the report, we hereby demand a public apology, no less, from the same officer,” dagdag ng grupo.
Ipinaliwanag naman ni Villanueva na binigyang-diin niya noong nakaraang pagdinig ng Senado na patuloy pa rin ang pagbeberipika ng mga ibinunyag niyang impormasyon.
Nang tanungin kung ang ibig sabihin ng salitang “sorry” ay naglalabas na siya ng public apology, ay sumang-ayon si Villanueva.