Pag-apruba ng Senado sa ‘Ligtas Pinoy Centers Act’ pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at hu­ling pagbasa ang Se­nate Bil No. 2451, o ang Ligtas Pinoy Centers Act, na naglalayong magtatag ng permanenteng mandatoryong evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Ang pinakahihintay na panukalang ito ay layong mabigyan ng ligtas na kanlungan ang mga Pilipinong naaapektuhan ng mga natural na kalamidad.

Pinasalamatan ni Go, principal author at co-sponsor ng panukalang batas, ang kanyang mga kasama sa ­Senado, partikular si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada bilang principal sponsor, sa pagbibigay prayoridad sa panukala.

Binigyang-diin ni Go ang kahinaan ng Pilipinas sa mga natural na kalamidad dahil sa lokasyong heograpikal nito at partikular na binanggit ang hirap na kinakaharap ng mga naninirahan sa mga komunidad sa baybayin.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin din niya ang epekto ng mga sakuna sa mga pamil­yang Pilipino, lalo na sa mga mahihirap.

“When these disasters strike, the Filipinos, especially the underprivileged, suffer the most,” dagdag ni Go.

Mula sa kanyang mga personal na karanasan sa pagbisita sa mga lugar na sinalanta ng sakuna, ikinuwento ni Go kung paano madalas na ginagamit ang mga paaralan, covered court, at gym bilang pansamantalang evacuation center, na nakakagambala sa buhay ng mga estud­yante at komunidad.

Ikinalungkot ni Go ang hindi magandang kondisyon sa mga evacuation center na ito, kung saan ang eva­cuees ay kadalasang nagkakasakit o nagtitiis ng pagkakalantad sa iba’t ibang elemento sa panahon ng bagyo. Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa malinis, komportable, at mahusay na gamit sa mga evacuation center na may tamang sanitasyon at mga medikal na suplay.

“Panahon na po na magkaroon tayo ng maayos, malinis, komportable, at maayos na sanitation, at may mga gamot na evacuation center,” giit ni Go.

Layunin ng Ligtas Pinoy Centers Act na tugunan ang mga isyung ito sa pamamagitan ng pagtiyak sa pagtatayo ng mga mandatory evacuation center na tutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga biktima ng ka­lamidad kung saan sila makababangon bago bumalik sa kanilang mga tahanan.

Show comments