MANILA, Philippines — Todo bantay na rin ang mga Chinese warships sa Escoda (Sabina) Shoal matapos mamonitor na umaabot na sa 11 barko ng China ang pumapalibot sa nasabing teritoryo.
Ito’y matapos namang magpull-out sa lugar ang BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) noong nakalipas na September 14.
Sinabi ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, Spokesman ng Philippine Navy sa West Philippine Sea (WPS), na 11 warship ng Chinese Navy ang namonitor na pumapalibot sa Escoda Shoal mula Setyembre 17 hanggang 23 mula sa dating apat na barko ng China sa nasabing teritoryo.
Ang Escoda Shoal na sinasabing bukod sa Ayungin Shoal ay panibagong flashpoint ng China sa WPS ay nasasaklaw ng 200 milyong Exclusive Economic Zone (EEZ ) ng bansa.
Sa kabila nito, inihayag ng opisyal na hindi kontrolado ng China ang Sabina Shoal at patuloy ang kanilang pagpapatrulya sa lugar bilang bahagi ng mandato ng AFP na protektahan ang soberenya at teritoryo ng bansa.
Ayon kay Trinidad, ito ang kaunaunahang pagkakataon na na-monitor ng Phl Navy ang masyadong maraming mga vessels ng China sa Sabina Shoal.
“We continue sailing the seas and flying the skies, not only the AFP but also the other government agencies, it only indicates that nobody has control of that vast expanse of water in the South China Sea,” anang opisyal.
Samantala, inihayag pa ni Trinidad na nagpadala na rin ang Phl Navy ng barko sa Palawan upang imonitor ang sinasabing namataang presensya ng Research vessel ng China na naglalayag sa karagatan ng lalawigan.