MANILA, Philippines — Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. angSenate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325 o Magna Carta for Filipino Seafarers.
Sa ceremonial signing na pinangunahan ng Pangulo sa Malakanyang, sinabi nito ang kahalagahan ng bagong batas na naglalayong ipaglaban ang karapatan at pagpapahalaga sa mga seafarers na nagtatrabaho at nagsasakripisyo sa ibang bansa.
“At its core, this new law aims to uphold the fundamental rights of our overseas seafarers: their right to fair wages, safe working conditions, and skills and competency development, amongst others,” sinabi pa ni Marcos.
Pahayag pa ni Pangulong Marcos, na ang patas na sweldo ay hindi lamang tungkol sa patas na numero sa paycheck kundi dapat makakuha rin ng patas na kabayaran ang mga seafarers para sa kanilang hirap at dedikasyon.
Pagdating naman aniya sa kondisyon sa trabaho, ang mga kumpanya ay hindi lamang dapat nakatutok sa pagsunod kundi dapat din tiyakin ang kaligtasan at proteksyon hindi lamang mula sa mga panganib na kinakaharap kundi pati na rin sa pananamantala at diskriminasyon.
Dagdag pa ng Pangulo na ang Magna Carta ay naaayon para sa makasabay sa pamantayan sa pagsasanay, Certification and Watchkeeeping (STCW) gayundin sa pagtanggap sa global maritime labor laws.
Sa pamamagitan aniya nito ay tiyak na ang mga seafarer natin ay hindi lamang sumusunod kundi mahusay at handang harapin ang mga hamon ng nagbabagong industriya ng maritime.