MANILA, Philippines — Sinupalpal ni dating presidential spokesperson at abogadong si Salvador Panelo ang pahayag ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog na pulitika ang dahilan kaya siya inilagay ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa narco-list. Sinabi ni Mabilog sa House Quad Committee hearing na nagalit sa kanya si Duterte nang hindi niya suportahan ang pagtakbo nito bilang Pangulo noong 2016. ”Nonsense iyon,” sagot naman ni Panelo, na pinaalalahanan si Mabilog na isang gobernador lang ang sumuporta kay Duterte noong kampanya. Tinawag din ni Panelo na ”kuwentong kutsero” ang pahayag ni Mabilog na tinawagan siya ng noo’y
Philippine National Police (PNP) chief na si Ronald Bato” dela Rosa at hiniling na umuwi na. Matapos umano ang tawag ni dela Rosa, sinabi ni Mabilog na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang heneral, na pinayuhan siya na huwag umuwi dahil pipilitin siyang isangkot ang ilang pulitiko sa drug war. ”Ganyan talaga. Iyan namang mga iyan, gumagawa ng istorya para sila’y makalusot sa mga krimen na inaakusa sa kanila,” giit ni Panelo. Hinamon na lang ni Panelo si Mabilog na magdemanda at huwag idaan sa trial by publicility ang usapan. Magugunitang inabandona ni Mabilog ang mga Ilonggo noong 2017 at nanatili sa ibang bansa ng pitong taon matapos isangkot ni Duterte sa droga. Tulad ni Mabilog, idinawit din si dating Cebu City Mayor Tommy Osmena sa ilegal na droga, ngunit hindi niya iniwan ang kanyang lungsod at buong tapang na hinarap ang mga akusasyon. Hinarap din ni dating Senador Leila de Lima ang mga kasong may kinalaman sa droga na isinampa ni Duterte hanggang sa ibasura ang mga ito ng hukuman. Hindi pa natatapos ang problema ni Mabilog dahil plano ng Department of Justice (DOJ) na silipin ang kanyang kinalaman sa ilegal na droga. Bukod pa rito, sinampahan siya ng kasong katiwalian sa Sandiganbayan sa pakikialam umano niya sa paggawad ng kontrata sa isang towing services firm na mayroon siyang interes. Una nang pinatawan ng Ombudsman si Mabilog ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno matapos siyang mapatunayang guilty sa kasong “serious dishonesty” dahil sa hindi maipaliwanag na yaman.