MANILA, Philippines — Nagpasya ang Korte Suprema na ang mga foreign divorce decrees ay hindi nangangailangan ng judicial proceedings sa ibang bansa para kilalanin sa Pilipinas.
Sa inilabas na desisyon ng Supreme Court En Banc na isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, ang mga korte ng Pilipinas ay maaaring kilalanin ang mga diborsyo na nakuha sa ibang bansa, sa pamamagitan man ng legal o administratibong proseso o sa pamamagitan ng mutual agreement.
Ang Filipino citizen na si Ruby Cuevas Ng (Ng) ay ikinasal ng Japanese national na si Akihiro Sono (Sono) sa Quezon City noong 2004. Lumipat sila sa Japan kalaunan. Matapos masira ang kanilang relasyon, nakakuha sila ng “divorce decree by mutual agreement” sa Japan, na pinatunayan ng Divorce Certificate na inisyu ng Embassy of Japan sa Pilipinas.
Naghain si Ng sa Regional Trial Court (RTC) ng petition for the judicial recognition of the foreign divorce and for the declaration of her capacity to remarry, na pinagbigyan naman ng RTC.
Hinamon ng Office of the Solicitor General (OSG) ang desisyon ng RTC sa Korte Suprema, na nangangatwiran na tanging mga foreign divorce decrees na inilabas ng korte ang maaaring kilalanin sa Pilipinas. Sa kasong ito, ang dayuhang diborsiyo ay sa pamamagitan lamang ng kasunduan.
Nagdesisyon ang Korte pabor kay Ng na ang mga Pilipinong dating kasal sa mga dayuhan ay maaaring humingi ng judicial recognition sa kanilang dayuhang diborsiyo sa ilalim ng Artikulo 26, talata 2 ng Family Code.
Naniniwala ang Korte na ang uri ng diborsiyo, administratibo man o hudikatura, ay hindi mahalaga.
Hangga’t ang diborsyo ay may bisa sa ilalim ng pambansang batas ng dayuhang asawa, kikilalanin ito sa Pilipinas para sa asawang Pilipino.