MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagreregalo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ng babaeng miyembro ng pastoral group sa kanyang mga kaibigan.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, tututukan nila ang isyu dahil matindi ang nasabing alegasyon at nais nilang matiyak na hawak nila ang sworn statement ng dating miyembro ng KOJC.
Sinasabing ang mga dating miyembro ay nagpakilalang kabilang sa Angels of Death, isang private army ni Quiboloy.
Dagdag pa ni Fajardo na mas malakas ang kaso kung mayroong biktima na magpapatunay at magbibigay ng kaniyang sinumpaang salaysay na iniregalo siya ni Quiboloy sa isa sa mga kaibigan nito.
Kung mapapatunayang totoo ang mga akusasyon, sinabi ni Fajardo na handa ang PNP na sampahan ng kaso ang sinumang indibidwal na lumabag sa batas.
Kasama kasi sa nabanggit na niregaluhan umano ni Quiboloy ng babae ang isang dating presidente na kaibigan nito.
Sumuko ang nasabing indibidwal sa Criminal Investigation and Detection Group Region 11, ayon pa kay Fajardo.