MANILA, Philippines — Matapos ang serye ng mga pagdinig na tumagal ng halos 4 na buwan, nakatakdang tapusin ng Senate Committee on Women ang pagsisiyasat nito sa mga ilegal na POGO at mga isyung kinakasangkutan ni dismissed Bamban mayor Alice Guo.
Nakatakdang tapusin ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros ang pagdinig sa Martes, Setyembre 24.
“Tuesday next week is the continuation of POGO hearing in Committee on Women. Inaasahang ito na ang last sa POGO hearing,” anang tanggapan ni Hontiveros.
Sinabi ng tanggapan ng senador na tututukan naman ngayon ng panel ang mga isyu sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at ang founder nitong si Pastor Apollo Quiboloy, na naaresto noong unang bahagi ng Setyembre.
Sinimulan ng komite ang pagdinig tungkol sa POGO noong Mayo at kasama sa inimbestigahan ang pagsalakay sa POGO hub sa Bamban, Tarlac noong Marso, kung saan halos 300 dayuhan ang nailigtas para sa umano’y scam farm.
Hinarap ang noo’y nakaupong alkalde na si Alice Guo sa pagsisiyasat ng Senado noong unang bahagi ng Mayo.
Naantad sa pagdinig ang kahina-hinalang background ni Guo, na kalaunan ay nalaman na may parehong fingerprint ng Chinese national na si Guo Hua Ping.
Sa isang pahayag, sinabi ng abogado ni Guo na si Stephen David na kapag natapos na ng komite ang pagsisiyasat nito, maaari nilang isaalang-alang ang pagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan ni Guo.