Philippine Marines ibinalik sa Senado

MANILA, Philippines — Ibinalik ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Philippine Marines upang magbantay sa compound ng Senado.

Itinanggi naman ni Escudero na mayroong banta sa seguridad ng Senado kaya ibinalik ang mga marines at pinalitan ang security unit ng Philippine National Police.

Ipinaliwanag ni Escudero na ang Philippine Marines ang orihinal na nagbabantay sa grounds ng Senado maging sa House of Representatives at ibinalik lamang niya ito.

“It was originally the Marines that secured both the House and Senate grounds before po. Just restored it,” ani Escudero.

Simula ngayon, Set­yembre 19, mga marines na ang magbabantay sa lobby, security outpost at parking area ng Mataas na Kapulungan.

Ang mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms pa rin naman ang magbabantay sa loob ng Senate building.

Katulad ni Escudero, nilinaw ni Senate Sergeant-at-arms retired General Roberto Ancan na walang banta sa seguridad  ng Senado.

Wala rin aniyang kinalaman ang nasabing hakbang sa imbestigasyon ng Senado sa ilegal na POGO at sa inaasahang pagharap sa Senado ni religious leader Apollo Quiboloy.

Show comments