MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na plano ng Pilipinas na magdeploy muli ng panibagong barko sa Escoda Shoal, kapalit ng BRP Teresa Magbanua.
Matatandaang nitong Linggo ay bumalik at dumaong na ang BRP Teresa Magbanua sa pantalan ng Puerto Princesa, Palawan bunsod na rin ng kawalan ng sapat na suplay, gaya ng pagkain at tubig, at pagkakasakit ng ilang tripulante nito.
Kinumpirma naman ni PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na may iba pang mga barko na plano ng Pilipinas na ipadalang muli sa Escoda Shoal.
Hindi pa nagbigay ng petsa at detalye si Tarriela kung kailan ito magaganap ngunit sinabing ito’y sa lalong madaling panahon.
Paniniguro pa niya, pananatilihin ng Pilipinas ang presensiya sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Abril nang ipadala ng Pilipinas ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal upang magbantay kasunod ng ulat ng nagsasagawa umano ng reclamation sa lugar ang mga Chinese.