MANILA, Philippines — Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng tatlong bagong kaso ng mpox (dating monkeypox), sanhi upang umabot na sa 18 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, naitala ang mga bagong kaso hanggang noong Agosto 18.
Ang mga bagong pasyente aniya ay pawang lalaki at mula sa Calabarzon.
“As of August 18, labingwalo na po ang ating confirmed mpox cases.”
Sa nasabing bilang, limang pasyente na ang nakarekober habang ang 11 ay kasalukuyang nagpapagaling sa kanilang mga tahanan.
Tiniyak naman ni Herbosa na kaagad nakapag-isolate ang mga pasyente at wala nang naihawa pang iba.
“Ang maganda rin, ang lahat ng 18 na na-pick up namin as of now, wala pang nahawang iba,” ayon pa sa kalihim, sa isang pulong balitaan.
Sinabi pa ni Herbosa na pawang mga bagong kaso ng sakit ang kanilang naitala at walang kaugnayan sa isa’t isa.
“Wala silang epidemiological link,” aniya pa.
Hinala ng DOH chief na posibleng may mga pasyente na tinamaan ng mpox na hindi nagpasuri sa doktor ang nakahawa sa kanila.
Kaugnay nito, pinayuhan niya ang publiko na kaagad na magpakonsulta sa doktor kung makitaan ng mga sintomas ng mpox.
Tiniyak naman ng DOH na wala pang pasyente ng mpox na nasawi dahil puro mild lamang ang dumapong sakit sa kanila.