MANILA, Philippines — Itinuturing na ngayong “pugante” sa batas si dating Presidential spokesman Harry Roque na hinihinalang may kaugnayan sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, ito’y bunga ng kabiguan ni Roque na dumalo at isumite ang mga dokumento na makatutulong sa imbestigasyon ng Quad Committee.
Hindi sinipot ni Roque ang pagdinig ng Kamara noong nakalipas na Huwebes bunsod para i-contempt ito sa ikalawang pagkakataon at isyuhan ng warrant of arrest.
Nabigo naman ang mga operatiba ng PNP at House Sgt. At Arms na matagpuan si Roque sa address ng opisina nito sa Makati City.
Pinasusumite kay Roque ang kanyang Statement of Asset Liabilities and Net Worth (SALN), tax returns at rekord ng negosyo nito
Si Roque na dating tagapagsalita ni dating pangulong Rodrigo Duterte ay sinasabing may ugnayan sa Lucky South 99, ang ni-raid na POGO hub sa Porac, Pampanga na nakumpiskahan ng illegal na droga noong Hunyo.
Samantalang maging ang misis ni Roque na si Myla Roque na ipinatatawag din ng komite ay nabigong dumalo sa pagdinig.