MANILA, Philippines — Nanindigan si Abra Vice Governor Joy Valera Bernos na pinupulitika ang kanyang kinasangkutang isyu sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong siya pa ang nakaupong governor ng lalawigan ng Abra.
Tinukoy ni Bernos ang desisyong ipinalabas ng Office of the Executive Secretary sa OP-DC Case No. 21-A-001 na may petsang August 12, 2024 na konektado sa isang pangyayari noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya.
May kinalaman ito sa kautusan ni Bernos noong taong 2020 bilang governor ng Abra na i-lockdown ang isang ospital ng lalawigan matapos magpositibo sa COVID ang isang nurse. Kinontra ito ng medical director ng ospital dahil wala umano itong pagsang-ayon ng CAR-Regional Inter-Agency Task Force. Ikinatuwiran naman ni Bernos na ginawa niya ang desisyon para protektahan ang mamamayan ng Abra.
“Ang taong 2020 ay kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan wala pang kasiguraduhan kung ano ang virus at kung ano ang lunas dito,” ani Bernos. “Lahat ng chief local executive ay bibigyan ng prayoridad ang kaligtasan ng kanyang mga kababayan at gagawin ang lahat para labanan ang pandemya. Lagi akong magkakamali sa panig ng Abreños, kung ito naman ay para sa ikabubuti ng lahat. Maraming mahihirap na desisyon na kailangang gawin noon, dahil kailangang pangalagaan ang lahat. Iyon ang aking sinumpaang tungkulin.”
Noong Mayo 4, 2022 dinismis ng Ombudsman ang naturang reklamo at nagdesisyon na ang ginawang aksyon ni Bernos ay “in good faith” at naaayon sa kanyang tungkulin bilang opisyal ng bayan na nasa ilalim ng state of calamity. Dapat anya ay doon na nagtapos ang usapin pero nanghimasok umano rito ang Office of the Executive Secretary.
“Paano magkakaroon ng bad faith at pagmamalabis sa kapangyarihan samantalang noon ay hindi natin alam kung ano ang COVID-19 at kung ito’y may lunas? Wala tayong pinigilang healthcare professional sa pagganap ng kanilang tungkulin sa gitna ng pandemya,” ani Bernos.
“Noong September 4, 2024, sinikap ng Regional Trial Court ng Abra na manaig ang katarungan at naglabas ng temporary restraining order (TRO) sa ipinatupad ng suspension laban sa akin. Ikinatuwiran ng korte na dahil hindi na ako ang governor, ang desisyon ng Office of the President at Department of Interior and Local Government (DILG) ay maituturing nang moot and academic.”
“Ang aking prayoridad sa kasalukuyan ay bilang Vice Governor ng Abra ay proteksyunan ang buhay ng mga Abreños. Gagawin ko ang lahat para protektahan ang mga Abreños,” dagdag ni Bernos.
Aniya pa, ito’y ginagamit laban sa kanya at halatang pulitika na ang motibo dahil ginawa ito wala ng isang buwan bago ang pag-file ng Certificate of Candidacy.