Malasakit Center ni Bong Go nagpagaan sa pasanin ng CKD 5 patient
MANILA, Philippines — Napagaan ang pasanin ng 24-anyos na si Kenneth Roger Arguillon, na na-diagnose na may Chronic Kidney Disease Stage 5 (CKD 5).
Si Kenneth, isang residente ng Quezon City, ay tulad ng maraming kabataan na puno ng pag-asa para sa hinaharap.
Noong 2018, bilang isang high school student, nagkaroon siya ng simpleng UTI, na sa tingin niya ay madaling magamot ng gamot. Nawala ang mga sintomas at nagpatuloy siya ngunit hindi alam ang mga seryosong isyu sa kalusugan na namumuo.
Noong 2021, madalas nang sumakit ang kanyang ulo at nanlabo ang paningin. Sa pag-aakalang problema lang ito sa mata, nakakuha siya ng salamin ngunit hindi nagtagal, isang bagong sintomas ang lumitaw.
Mabilis na bumagsak ang kanyang kalusugan kaya napilitan siyang huminto sa trabaho at bumalik sa Quezon City. Noon, nawala na ang kanyang gana at nang bumisita sa doktor, natuklasan ang nakagigimbal na balita: 3% na lang ng kanyang kidney function ang natitira, at ang dialysis ay apurahang kailangan.
Dinala ng pamilya ni Kenneth sa National Kidney and Transplant Institute, kung saan inirerekomenda ng mga doktor ang peritoneal dialysis.
Mabuti na lamang at nakahanap sila ng pag-asa sa programang Malasakit Center, na pinasimulan ni Senator Bong Go.
“Malaki ‘yung tulong po talaga ng Malasakit Center kasi simula pa lang sa bayad ng hospital bill, sila na rin po ‘yung nag-shoulder, pati ‘yung gamot din po namin sa dialysis,” sabi ni Kenneth na may pagpapasalamat.
“Kung walang naitatag na Malasakit Center, baka hindi ganito yung lagay ko ngayon or wala na ako ngayon dito kasi wala talaga kami pang gastos,” ayon kay Kenneth.
Para sa kanya, binigyan siya ng Malasakit Center ng panahon para mabuhay, oras para lumaban, at malaking pag-asa.
Inihain din ni Go ang Senate Bill No. 190, na kilala bilang “Free Dialysis Act of 2022”. Kung maaprubahan, ang panukalang batas ay mag-aatas sa PhilHealth na bumuo at mag-institutionalize ng isang komprehensibong dialysis benefit package na ganap na iko-cover ang lahat ng gastos sa hemodialysis at peritoneal dialysis treatments, sessions, at procedures sa PhilHealth-accredited health facilities.
- Latest