MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na papanagutin nila ang nagkanlong kay Kingdom of Jescus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sa kasagsagan ng kanilang paghahanap kung saan inihahanda na ang kasong isasampa sa mga nasabing indibiduwal.
Partikular na inatasan ng PNP Chief si Criminal Investigation and Detection Group Director Major General Leo Francisco na manguna sa isasagawang imbestigasyon at case build-up.
Nabatid na inutos ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil ang full investigation sa kaso upang matukoy at mapanagot ang mga ‘kumupkop’ kay Quiboloy matapos itong isyuhan ng warrant of arrest ng korte dahil sa kaasong child sexual abuse at qualified human trafficking.
Ayon kay Marbil, buo ang kanilang paniniwala na may mga close associates si Quiboloy na tumulong bukod pa sa ginawang panlilinlang umano ng mga legal representatives nito.
“We will not tolerate any form of obstruction to justice. Our investigation aims to identify those who knowingly provided refuge to Quiboloy, and we will ensure they face appropriate legal consequences,” ani Marbil.
Hindi aniya titigil ang PNP hanggang hindi nakukuha ng mga biktima ang hustisya.