BRP Teresa Magbanua nilisan na Escoda Shoal

Kaagad namang ­nilinaw ng PCG na ‘humanitarian’ at hindi politikal, ang dahilan kung bakit nagpasya silang i-pullout na ang barko sa pinag-aagawang teritoryo.
PCG

MANILA, Philippines — Matapos ang limang buwang pananatili sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS), kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakabalik na sa Palawan ang kanilang barkong BRP Teresa Magbanua, lulan ang 60 personnel nito.

Kaagad namang ­nilinaw ng PCG na ‘humanitarian’ at hindi politikal, ang dahilan kung bakit nagpasya silang i-pullout na ang barko sa pinag-aagawang teritoryo.

Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, bagamat nananatiling committed sa kanilang misyon ang BRP Teresa Magbanua ay kinailangan na itong pabalikin sa pantalan dahil sa kakulangan ng suplay, pangangailangang medikal at masamang panahon.

Aniya pa, higit pang naging kumplikado ang sitwasyon dahil sa tinamong pinsala ng barko, bunsod ng intensiyonal na pagbangga rito ng mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) noong August 31, 2024.

Pinuri rin naman ng PCG ang mga opisyal at mga personnel na lulan ng BRP Teresa Magbanua.

Kinilala rin ng PCG ang pagiging makabayan, katapangan, dedikasyon at propesyunalismo ng mga personnel na sakay ng BRP Teresa Magbanua dahil ginampahanan nila ang kanilang tungkulin at misyon sa Escoda Shoal, maging sa mapanganib at malalang operational conditions.

Batay sa ulat, 3-linggong puro lugaw lang ang kinakain ng mga tauhan ng barko at dalawang araw bago sila bumalik sa pantalan ay tuluyan na silang naubusan ng pagkain at inumin.

Apat rin umano sa mga tripulante ang pawang dehydrated na at kinailangang i-dextrose pagdating sa pantalan, habang ang isa pa ay may pinsala sa kanyang binti. Kaagad silang isinugod sa pagamutan upang malapatan ng kaukulang lunas.

Matatandaang ang BRP Teresa Magbanua ay ipinadala sa Escoda Shoal noon pang Abril, kasunod ng ulat na nagsasagawa ng reclamation activities doon ang mga Chinese.

Ang mga tripulante ay sinalubong ng mga senior officials ng PCG.

Show comments