MANILA, Philippines — Nakahanap ng kakampi ang lokal na pamahalaan at mga mamamayan ng Sulu sa Senado kay Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino.
Nanawagan ang mambabatas na dapat maipagpatuloy ang mga serbisyo publiko para sa naturang lalawigan matapos maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na naghihiwalay dito mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Dapat may nakahandang plano ang lahat ng pambansang ahensya para siguruhin na hindi mapuputol ang paghahatid ng importanteng serbisyo, gaya ng edukasyon, kalusugan, at tulong panlipunan sa Sulu,” ayon sa senador, sabay diin na ang pag-uutos ng Korte Suprema ay ‘immediately executory’ o agarang dapat ipatupad.
Magugunita na nitong nagdaang linggo, nagtalumpati si Tolentino para manawagan sa Senado na suriin ang implikasyon ng desisyon ng Mataas na Korte sa pampulitika at pinansyal na mga usapin kaugnay ng naihiwalay na probinsya.
Aniya, pinagtibay ng desisyon ang kawastuan ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ngunit dineklara rin nito na hindi dapat bahagi ng BARMM ang Sulu – dahil ibinasura ng mayorya ng mga botante nito ang BOL sa plebisitong ginanap noong 2019.
Aniya, dapat magtulungan ang Senado at Ehekutibo para ilaan ang naaayong alokasyon sa probinsya sa ilalim ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa panukalang P6.352-Trillion badyet para sa 2025.
Samantala, sa kanyang regular na programang ‘SOS’ sa DZRH, hinikayat ni Tolentino si DSWD Spokesperson Irene Dumlao na bigyan ng agarang atensyon ang mga pangangailangan ng lalawigan.
Bilang tugon, siniguro ni Dumlao na magpapatuloy ang pagtulong ng ahensya sa Sulu, gayundin ang malapit na ugnayan sa pagitan ng DSWD at ng BARMM Ministry of Social Services and Development.
“Napakaganda at napaka-payapa ng lalawigan ng Sulu. Wala nang Abu Sayyaf. Sana tayo’y magtulung-tulong para siguruhin ang kapakanan ng kanyang mga mamayan, gayundin ng kanyang pag-unlad,” pagtatapos ng senador.