MANILA, Philippines — Mas lumawak pa ang lamang ni ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa kanyang mga katunggali sa darating na 2025 midterm elections.
Sa pinakahuling survey na ipinalabas ng market research firm na Tangere nitong Setyembre 9-13, nakakuha si Rep. Tulfo ng 58 porsyento ng voter preference, o mas mataas sa kanyang 56.29% nitong Agosto.
Ayon sa Tangere, nakakuha ang mambabatas na score na “very high” sa lahat ng lugar sa bansa, lahat ng age groups at lahat ng socio-economic classes.
Nasa malayong ikalawang pwesto si dating Pres. Rodrigo Duterte (49%), kasunod si Sen. Pia Cayetano (46.5%), Sen. Bong Go na pang-apat (44.5%) at dating Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III, (44%) na panglima.
Ang kapatid ni Rep. Tulfo na si Ben Tulfo ay ika-anim (42.96%), sinundan ni dating Sen. Manny Pacquiao (41.63%), Makati Mayor Abby Binay (36.91%), DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr., 34 porsyento.
Nasa ika-10 si Sen. Lito Lapid (33.67%) at Sen. Francis Tolentino ay nasa ika-11, 32.5 porsyento.
Pumasok sa magic 12 si Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na nakakuha ng 31 percent.
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng mobile-based respondent application na may sample size na 2,400 participants mula sa National Capital Region, Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.