Top NPA leader, PUP student utas sa sagupaan sa Cagayan
MANILA, Philippines — Nasawi ang dalawang miyembro ng makakaliwang grupo matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at New People’s Army (NPA) sa Sitio Pallay, Barangay Baliuag, Peñablanca sa Cagayan.
Sa report ni Army’s 5th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Gulliver Señires, dinala sa isang punerarya sa Cagayan nitong Biyernes ang mga bangkay.
Sa beripikasyon, isa sa napatay ay si Edgar Arbitrario alyas Ka Karl, 48, secretary ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley. Si Arbitratio ay tubong Davao City, dating Civil Engineering student na nag-drop para sumapi sa NPA Movement noong 1990 at nasangkot sa maraming insidente ng terorismo sa Compostella Valley at Davao del Norte.
Nawala sa Mindanao si Arbitrario na dumayo umano sa Cagayan upang maghasik ng terorismo kasama ang grupo ng mga rebelde na namumugad sa Region II.
Ang amasona ay tinukoy naman sa alyas na Ka Nieves, isang estudyante ng PUP sa Sta. Mesa Manila na huminto sa pag-aaral at namundok kasama ng grupo ni Arbitrario.
Batay sa impormasyon mula sa 502nd Infantry Brigade ng Philippine Army, dakong alas-2 hanggang alas-3 ng madaling araw nitong Miyerkules ng makatanggap ng impormasyon ang kasundaluhan kaugnay sa kinaroroonan ng mga rebelde na agad naman nilang nirespondehan.
Kasunod nito ay naganap na ang sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at tinatayang 17 miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV).
Tumagal ang bakbakan sa loob ng 20 minuto na nagresulta sa pagkakasawi ng dalawang miyembro ng NPA. Narekober din ang ilang mga kalibre ng baril na naiwan ng rebeldeng grupo.
Sa ngayon ay kasalukuyan na ang clearing operation ng mga tropa ng gobyerno sa nasabing lugar.
- Latest